BNFM BICOL—Kinumpirma ng Philippine Army na isang miyembro ng komunistang grupo ang nasawi sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga makakaliwang grupo at tropa ng gobyerno nitong nakaraang araw ng Huwebes sa bayan ng San Miguel, Catanduanes.
Batay sa inilabas na pahayag ng Hukbong Katihan ng Pilipinas, nagtagal ng halos 45 minuto ang sagupaan ng mga personahe ng 83rd Infantry Battalion kasama ang ilang miyembro ng Police Mobile Force Company o PRO 5, laban sa tinatayang sampong armadong miyembro ng komunistang grupo habang isinasagawa ng mga ito ang pagpapatrolya sa Sitio Kuripdas, Brgy. JMA Alberto ng nasabing bayan.
Ang naturang sagupaan ay nag resulta sa pagkakapatay ng isang miyembro ng NPA, habang ang iba umano nitong kasamahan ay nakatakas. Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang M14 rifle; 17 piraso ng mga anti-personal mines at mga propaganda materials.
Kaugnay nito, sinabi ni PNP Bicol Regional Director – PBGen. Jonnel Estomo na ang isinusulong na operasyong pangkapayapaan na ito ng pinagsamang Police, Army at ang patuloy na pakikipagtulungan ng mga mamayan ay isa aniyang malakas na armas upang tuluyan nang matuldukan ang problema ng bansa sa insurhensya.###