BNFM BICOL—Nakapagtala ng kabuuang siyam na mga bagong kaso ng COVID-19 ang Bicol region nitong nagdaang weekend.
Batay sa tala ng Department of Health-Bicol nitong Sabado, limang mga bagong kaso ng sakit ang naitala sa rehiyon kung saan dalawa nito ang mula sa Camarines Sur partikular sa bayan ng San Fernando at Libmanan; dalawa rin sa Catanduanes mula sa bayan ng Baras at Caramoran habang may isang kaso ang Sorsogon mula sa Sorsogon City.
Kahapon araw ng Linggo, apat na mga bagong kaso naman ang naitala sa rehiyon kung saan dalawa nito ang nairehistro sa bayan ng Sagñay at isa naman sa bayan ng Balatan sa Camarines Sur.
Isang kasong muli ang naidagdag sa Sorsogon na mula pa rin sa Sorsogon City.
Bunsod nito, pumalo na sa 58,962 ang mga naitalang COVID-19 cases sa Bicol kung saan 2,105 sa mga ito ang nananatiling aktibong kaso.
Umakyat naman sa 54,629 ang recoveries makaraang madagdagan ng 194 nitong weekend habang nasa 26 naman ang mga napaulat na nasawi nitong Sabado dahilan upang umakyat sa 2,228 ang COVID-19 death toll sa rehiyon.###