Iginiit ng Philippine Navy na walang karapatang magsuot ng uniporme ng coast guard ang mga Chinese dahil sa ginagawang pangahaharass sa mga barko ng Pilipinas.
Ito’y kasunod ng pinakahuling insidente sa isinagawang rotation at resupply mission sa Ayungin Shoal kung saan walong sundalong Pinoy ang nasugatan at isa pa rito ang naputulan ng daliri.
Ayon kay Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad, ang mga aksyon ng Chinese ay naglalagay sa panganib ng buhay sa dagat na kabaligtaran sa pangunahing layunin ng kanilang tungkulin.
Ang patuloy din aniyang pangha-harass ng China Coast Guard ay para gumanti ang mga sundalong Pilipino at mapilitan tayong tayo ang unang magpaputok ng baril.
Pero sabi ni Trinidad, hindi papatol ang mga sundalo sa maling paraan.
Sa video na inilabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP), makikitang tinutukan ng sibat, kutsilyo at palakol ang mga sundalong Pilipino.
Gumamit din ang China Coast Guard ng tear gas at sirena upang guluhin at gawing disoriented ang mga sundalo.
Bukod dito, gumamit din ang mga Chinese ng strobe lights.
Nakunan din sa video ang pagtangay ng mga tauhan ng CCG sa bag ng mga Pilipino at iniulat din na kinuha nila ang mga disassembled na armas para sa mga sundalo.