Pumalo na sa 1,791,003 ang COVID-19 cases sa bansa matapos na maitala ang 14,895 bagong infections, ikalawang pinakamataas na daily cases na nairecord ng Pilipinas simula nang pumutok ang pandemic.
Ayon sa Department of Health (DOH), dalawang laboratoryo lamang ang di nakapagsumite ng datos sa tamang oras.
Dahil dito, umabot na sa 111,720 ang active cases sa bansa, pinakamataas simula April 21.
Sa bilang na ito, 95.3 percent ang mild, 1.8 percent ang asymptomatic, 1.3 percent ang severe, at 0.7 percent ang kritikal ang kondisyon.
Inanunsyo rin ng DOH na umakyat na ang total recoveries sa 1,648,402 matapos gumaling ang 8,248 pang pasyente mula sa nakamamatay na sakit habang 258 ang bagong nasawi, dahilan para tumaas ang death toll sa 30,881.
