Ipatutupad na rin sa Vietnam ang paggamit ng bakuna ng Pfizer/BioNTech bilang opsyon sa second dose ng mga taong naturukan ng AstraZeneca vaccine sa kanilang first dose.
Ayon sa gobyerno ng Vietnam, ipaprayoridad sa pagtuturok ng Pfizer vaccines ang mga nauna nang nakatanggap ng first dose ng Astrazeneca, 8 hanggang 12 linggo na ang nakakalipas.
Mababatid na halos kasisimula pa lamang ng mass inoculation campaign sa Vietnam kung saan nasa 300,000 pa lamang doon ang fully vaccinated.
Samantala, una nang inaprubahan ng ilang mga bansa gaya ng Canada, Spain at South Korea ang dose-mixing dahil sa pag-aalala tungkol sa rare at potentially fatal blood clots na iniuugnay sa AstraZeneca vaccine.
Lumabas naman sa preliminary results ng isang pag-aaral sa Espanya na ang kombinasyon ng Pfizer at AstraZeneca ay ligtas at epektibo.
Samantala, sa hiwalay na pahayag, sinabi ng gobyerno ng Vietnam na nakikipag-usap na sila sa India para bumili ng 15 million doses ng Covaxin para mas mapalakas pa ang kanilang vaccination program.
Sa ngayon, nasa 8 million doses na ang kabuuang covid-19 vaccine ang nakuha o natanggap ng Vietnam.