Nakikita ngayon ni Supreme Tribal Chieftain Letecio Datuwata na ‘land conflict’ ang motibo ng pananambang kay South Upi Vice Mayor Roldan Benito.
Paliwanag ng pinuno, noon pa man ay may mga naitala ng harassment sa lugar kung saan namatay ang bise alkalde dahil gustong angkinin ng moro armed group ang lupaing sakop ng ancestral domain ng mga Teduray.
Sinabi pa ng opisyal na kilalang matapang na indigenous Teduray political leader si Benito at sumusuporta sa paglaban para sa ancestral domain ng mga Indigenous People (IP) sa bayan.
Kaugnay nito, ang nasabing ambush ay nagdulot na naman ng takot sa mga katutubo dahil sa kabila ng posisyon ni Benito, hindi pa rin nagpatinag ang mga nasa likod nito.
Sa talaan ng ani Datuwata, si Benito at iba pang IP ay nadagdag sa 70 mga Teduray at Lambangian leaders at community members na pinaslang, inambush at minasaker mula noong 2018.
Nakaburol ngayon ang labi ni Benito sa kanilang ancestral house na nasa Barangay Timanan, bayan ng South Upi.
Matatandaang hapon ng byernes, pinaulanan ng bala ang pick-up truck na minamaneho mismo ng bise alkalde resulta ng kanyang kamatayan at ng kasama nito na si Weng Marcos.
Samantala, sinabi ni South Upi Municipal Police Chief, PCapt. Amer Disomangcop na may person of interest na ang kapulisan at may anggulo na silang sinusundan. (with reports from ROY HOLGADO – 89.3 BNFM COTABATO)