Lagda na lang ni Pangulong Bongbong Marcos ang kulang upang tuluyang maisabatas ang “Ligtas Pinoy Centers Act” na layong magpatayo ng mga permanente at matibay na evacuation centers laban sa kalamidad.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez na siyang nagsulong ng panukala, ang paghagupit ng nagdaang mga bagyo ay nagpapakita na kailangan nang kumilos upang maprotektahan ang mga Pilipino sa panahon ng krisis.
Pinagtitibay aniya ng panukalang batas ang commitment ng gobyerno na siguruhing bawat lungsod at munisipalidad ay magkakaroon ng ligtas at “fully equipped” na evacuation center na magkakanlong sa mga lilikas na residente.
Binigyang-diin ni Romualdez na isa itong makabuluhang hakbang sa mas malawak na stratehiya ng pamahalaan para sa kakayahang tumagal sa mga hamon ng nagbabagong klima.
Ipinunto pa nito na ang bawat center ay higit pa sa gusali dahil makakatagpo ang mga komunidad ng ginhawa, kaligtasan at lahat ng pangangailangan sa gitna ng emergency.
Sa ilalim ng panukala, ang bawat center na itatayo ay hindi dapat masira ng hangin na dala ng bagyo na may lakas na 300 kilometers kada oras at lindol na may pagyanig na hanggang magnitude 8.0.
Pangungunahan ng Department of Public Works and Highways ang pagpapatayo ng mga evacuation center katuwang ang mga lokal na pamahalaan alinsunod sa mahigpit na panuntunan ng National Building Code.
Aatasan naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Council na makipag-ugnayan sa local government units upang tukuyin kung saang lugar ang angkop na mapagtayuan ng Ligtas Pinoy Centers.