Arestado ang tatlong lalaki na nagpakilalang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operations sa Coastal Road, Brgy Sirangan, East District, Sorsogon City.
Kinilala ang mga ito na sina Christian Virey Sto Domingo, 37-anyos, binata; Artemio Virtudazo Ipanag, 57-anyos, may kinakasama, master baker at Cesar Florencio Sto Domingo, 57-anyos, may asawa, balot vendor lahat residente ng Phase A Package 4 Blk 59 Bagong Silang, North Caloocan.
Sa imbestigasyon, nagtungo ang mga suspek sa may-ari ng peryahan sa Coastal Road, Brgy Sirangan at kinausap ang operations manager nito.
Ayon sa salaysay ng biktima, nagpakilala umano sa kanya ang tatlong lalaki na sila ay NBI agents na naka-assigned sa Quezon City subalit nang hiningan niya ang mga ito ng ID at walang naipakita ay dito na kinutuban ang biktima.
Ipinaalam pa umano ng mga suspek sa kanya na sa ilalim ng batas ay bawal ang operasyon ng peryahan saka siya hiningan ng P12K para hindi mapahinto ang operasyon ng amusement park.
Tumawad umano ang biktima na kung puwede ay P3K na lang, na agad namang sinang-ayunan ng mga suspek.
Matapos ang transaksyon ay pinabalik niya ito ng gabi para kunin ang nasabing halaga subalit lingid sa kaalaman ng mga suspek ay humingi ng tulong sa Pulisya ang biktima na nagresulta sa nasabing entrapment operations gabi noong Martes, Hunyo 27.
Narekober sa mga suspek ang entrapment money na nagkakahalaga ng P3K.
Sa isinagawang body search ng mga operatiba sa mga suspek ay nakuhanan ang mga ito ng iba’t-ibang mga media IDs.
Kahapon ng hapon ay na-inquest na ang mga suspek sa kasong Usurpation of Authority & Robbery Extortion.
