NAGA CITY – “Hindi ko alam kung ano ang pinanggagalingan ng mga negatibong komento, samantalang anim na taon na ring ginagawa sa Naga City ang paglalagay ng rainbow color sa pedestrian lane tuwing Pride Month.”
Ito ngayon ang tanong ni BJ De Asis, Presidente ng Kabaro Naga City Hall Pride, matapos ang mas malalang pambabatikos ngayon kumpara noong mga nakaraang taon, na ang sabi pa ng ilan “bakit naman sa ganyang paraan pa.”
Aniya, bago tuluyang mapakulayan ang mga pedestrian lane at pagpapalawak na rin ng kamalayan ng LGBTQAI plus Community, dumaan ito sa resolution na ibig sabihin legal, at wala pa namang batas na nagbabawal hinggil dito, dahil kung bawal ito sana matagal na. Hiling nito na katulad ng pag-unawa nila dahil karapatang makapagbigay ng komento, ang sana maintindihan din sila na ito’y simbolo lamang bilang selebrasyon ng pride month.
Sa panayam naman kay Arnulfo Fausto, Naga City Public Safety Office, Traffic Management Division Head, sinabing ang standard color talaga para sa mga pedestrian lane ay puti kaya lamang dahil pagkilala at respeto sa mga LGBTQIA plus members, wala naman itong problema sa batas trapiko, hindi rin maaaring pagbintangan ito kaya may ilang naaaksidente lalo na sa Kinastilyuhan, General Luna, Plaza, Elias Angeles kung saan nariyan an mga kinulayan na pedestrian lane.