LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Albay na marami ang mga nagsisipagbalikang gumamit at magbenta ng iligal na droga matapos silang matulungan sa rehabilitation program.
Ayon kay PDEA Albay head Noe Briguel, nalaman nila na maraming bumalik sa kanilang mga iligal na gawain matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga barangay.
Aniya, karamihan sa kanilang natulungan sa rehabilitation ay mga drug surrenderees na ngayon ay bumalik sa iligal na droga.
Dahil dito, hindi na mahihirapan pa ang ahensya na magsagawa ng operasyon dahil ang mga barangay na ang nagbibigay ng impormasyon sa lugar.
Sinabi pa ni Briguel, hindi lang ang mga drug surrenderee ang nagsipagbalik sa iligal na droga kundi maging ang mga dati nang nakulong o dati nang nakasuhan dahil sa ilegal na droga.