Nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naulilang pamilya ni dating Senador Rodolfo Biazon.
Sa mensahe ni Marcos, nagbigay-pugay siya sa mga mahahalagang ambag sa lipunan ng pumanaw na opisyal kung saan tumatak aniya ang liderato at ang statesmanship nito.
Ayon sa Pangulo, respetado si Biazon, hindi lamang ng mga nakasama sa trabaho, bagkus maging ang publiko sa pagiging opinionated at kabutihan nito, habang isinusulong ang kaniyang misyon at adbokasiya.

Binuksan ngayong araw ang public viewing sa burol ng beteranong mambabatas sa Heritage Memorial park sa Taguig City.
Magtatagal ang public viewing hanggang sa araw ng Linggo, June 18.
Sa araw ng Lunes, nakatakdang idaos ang necrological service sa Senado hanggang alas-tres ng hapon.
Pagsapit ng gabi ng Lunes, ililipat ang kaniyang mga labi sa Philippine Marines Headquarters sa Taguig bago ang huling misa.
Sa Martes nakatakda namang ilagak ang kaniyang mga labi sa Libingan ng mga Bayani.//CA