Nakarating na ng Belgium si Pangulong Bongbong Marcos para sa pagdalo nito sa ASEAN-European Union Commemorative Summit sa Brussels.
Lumapag ang flight PR001 sa Abelag Aviation Private Hangar kaninang 02:55AM, oras sa Belgium; o 09:55AM oras sa Pilipinas.
Kaugnay nito, nakatakdang mag-courtesy call si Pangulong Marcos sa hari ng Belgium na si King Philippe sa sidelines ng kanyang pagdalo sa Summit.
Sa kanyang departure speech, sinabi ng Pangulo na magkakaroon din ito ng bilateral meetings sa kanyang counterparts sa ilang European countries.
Tiniyak naman ni Marcos na bibigyan diin niya sa naturang summit ang papel ng Pilipinas bilang country coordinator for ASEAN sa dialogue relations nito kasama ang EU.
Maliban sa pagsusulong sa interes ng ASEAN isusulong din umano ng Punong Ehekutibo ang mga prayudidad ng Pilipinas katulad ng post-pandemic economic recovery, trade, maritime cooperation, at climate action.
Ngayong araw din inaasahang makikipagkita si Pangulong Marcos sa Filipino community sa Brussels.
Naniniwala si Marcos na ang kanyang Belgium trip ay magbibigay ng economic interests at engagement para sa Pilipinas dahil sa presensya ng mga business leaders ng Europa sa naturang kaganapan.
