Tatlo katao ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon laban sa illegal na droga sa pamamagitan ng buy-bust sa lalawigan ng Albay.
Unang nahuli sa Purok 2, Brgy. Cabangan lungsod ng Legazpi si alyas “Zyra”, 38 anyos, kasama ang asawa nitong si “Edison”, 42 anyos, karpentero, at parehong residente ng nasabing barangay.
Ang mga suspek ay kumagat sa pain ng pulisya matapos nitong pagbentahan ng isang plastic sachet na pinaniniwalaang shabu na may timbang na humigit kumulang isang gramo na nagkakahalaga na mahigit P6,000 ang nagpanggap na buyer.
Samantala, sa isa pang operasyon, arestado rin ang isang 52 anyos na lalaki sa Purok 3, Brgy. Quinale ng lungsod ng Tabaco na kinilalang si alyas “Boss” at residente ng nasabing barangay.
Tulad sa unang mga nahuli, kumagat din sa pain ang suspek matapos pagbentahan ang isang poseur buyer ng isang heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu.
Bukod pa rito, narekober sa kanya ang pera na ginamit sa nasabing operasyon.
Sa ngayon, ang mga suspek ay pawing nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan para sa kaukulang disposisyon.