Patay sinding kuryente muli na namang naranasan sa Camarines Norte dahil sa manipis na suplay

CAMARINES NORTE- Muli na namang naranasan ang patay sinding kuryente sa lalawigan ng Camarines Norte kahapon ng umaga dahil sa manipis na suplay.

Naranasan ang power service interruption sa mga bayan ng Mercedes, Basud, San Lorenzo Ruiz, Daet, San Vicente, Talisay, Vinzons, Labo, Sta Elena at Capalonga.

Nagkaroon din ng power service interruption sa mga Barangay ng Awitan, Bakal, Dancalan, Mampungo, Mangkasay at Tabas sa Paracale habang sa Jose Panganiban naman ay sa mga Barngay ng Tamisan at San Martin.

Paliwanag ng Camarines Norte Electric Cooperative, ang nangyaring power service interruption ay dahil sa pagnipis ng suplay ng kuryente mula sa Luzon Power Grid ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nagdulot ng Automatic Load Dropping (ALD).

Read More:  8 goats found dead with bite marks in Antique

Ang ALD ay ang proseso ng awtomatiko at sadyang pag-aalis ng mga pre-selected load mula sa isang Power System bilang tugon sa isang abnormal na kondisyon upang mapanatili ang integridad ng buong System.

Biglaan ang pag-alis ng suplay ng kuryente sa isa o ilang probinsya dahil sa biglaang pagbaba at hindi sapat ng suplay ng kuryente sa Power Grid.

Wala itong paunang abiso mula sa NGCP dahil ito ay biglaan at hindi inaasahan.

Read More:  Woman rider suffers injuries after crashing due to stray dog crossing road in Aborlan

Nagpapadala na lamang ang NGCP ng Official Statement sa mga naapektuhang Electric Cooperative at Distribution Utility pagkatapos.

Ngayong taon ay hindi bababa sa limang  ALD na ang naranasan sa lalawigan simula noong Abril.

Sa hiwalay na text message sinabi ni General Manager Zandro Gestiada na wala namang magagawa ang Canoreco dahil maninips daw talaga ang suplay sa Luzon Grid.

Hindi rin nito masabi kung hanggang kailan magiging ganito ang sitwasyon.

Una nang sinabi ng Canoreco na makakatulong ang mga kunsomidores sa pagpapanatili ng sapat na suplay sa pamamagitan ng pagtitipid sa paggamit ng kuryente.