Pastor Quiboloy, pumalag sa sanctions ng US Treasury Office

Binigyan ng sanction ng US Treasury’s Office of Foreign Assets Control (OFAC) si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder and pastor Apollo Carreon Quiboloy kaugnay sa mga hinihinalang human rights abuse.

Ayon sa US governement, lahat ng ari-arian ng nasasakdal sa US ay haharangin o iba-block at kikilalaning pagmamay-ari ng US Treasury Department.

Ipinagbabawal na rin sa lahat ng US citizen ang pagkakaroon ng transaction at pagtanggap sa kahit na anong property mula kay Quiboloy, maging ang pagbibigay ng kahit na anong uri ng kontribusyon kung saan maaaring makinabang si Quiboloy.

Ayon sa US Department of Treasury, kabilang si Quiboloy sa 40 indibidwal na makatatangap ng sanction dahil umano sa pagiging sangkot at koneksyon sa korapsyon at human rights abuses.

Read More:  Palace rebukes Pulong Duterte over criticism of Marcos administration

Sinabi rin ng OFAC na si Quiboloy ay nang-abuso ng human rights gaya physical abuse at pananamantala sa mga batang babae edad 11 anyos pababa.

Bukod dito, ‘di umano ay sangkot din si Quiboloy sa sex trafficking pastorals o mga batang babae sa KOJC na nagtatrabaho bilang personal assistant niya.

Si Quiboloy ay nasakdal noong November 2021, at kasalukuyang nasa wanted list ng FBI.
#

Pero kampo ng church leader – pumalag!

Tinawag ng kampo ni pastor Quiboloy na ‘outrageous’ at ‘utter politics’ ng US Government ang inihaing patung-patong na sanctions laban sa kanya, at 40 iba pang indibidwal.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ng legal counsel ni Quiboloy na si Atty. Manny Medran na pawang mga alegasyon pa lamang ang ginawang dahilan ng US Treasury sa pagpataw nila ng mga sanctions sa pastor.

Read More:  Sen. Jinggoy Estrada surrenders to CIDG

Paliwanag ng isa pang abugado na si Atty. Michael Jay Green, ‘ni hindi pa nga raw dinidinig ang mga kasong kinahaharap ni Quiboloy, pero tila ay ‘convicted’ na ang tono ng press release ng Treasury Office.

Binatikos din ni Green si US President Joe Biden at sinabing tila wala nang ‘presumption of innocence’ sa ginawang mga desisyon ng Treasury.

Dumalo rin sa press briefing ang Filipino lawyer na si Atty. Ferdinand Topacio at pinasaringan ang mga Amerikano.

Aniya, dapat daw ay mahiya ang mga ito sa pagiging isang Amerikano lalo na’t hindi nabigyan ng sapat na due process ang church leader.

Sa huli, aminado si Green na wala na silang magagawa pa sa mga sanctions dahil wala na aniyang legal remedies para rito.
#