Nanindigan si Senator Christopher “Bong” Go na kailangang ibalanse ang kapakanan ng militar at iba pang uniformed personnel, at ang kanilang dependents, habang tinutugunan ang posibleng adverse financial impact sa military pension system batay sa current projections.
“Mahal namin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalo. Gagawin namin lahat para maproteksyunan sila. Kaya natin sinusubukang masolusyunan ito ngayon dahil ayaw naming madehado ang ating kasundaluhan kung magiging iba ang direksyon ng mga susunod na administrasyon pagdating sa pension reform,” saad ni Go.
“Kung hindi natin ma-cure ang problemang ito ngayon, baka mas lumala pa ang sitwasyon at kawawa hindi lang ang pensioners kundi ang taumbayan. Long-term po ang solusyon na gusto namin ni Pangulong Duterte dito,” Paliwanag ng senador.
Ang bersyon ni Go sa panukalang pension reform law para sa militar at ibang uniformed personnel, tulad ng isinasaad sa Senate Bill No. 1419 na inihain nito noong 2020, ay naglalayon ma-attain ang fiscal stability at sustainability ng kanilang pension system nang hindi nalalagay sa alanganin ang kasalukuyang pensioners at mga nasa active service.
“Nais ko klaruhin — suportado ko ang pension reform para maiwasan na maging isang financial disaster ito in the long-run. Pero ayoko na bawasan o maapektuhan ang kasalukuyang pension ng mga nag-retiro na o ‘yung inaasahang pension ng mga naka active duty pa,” pag-gigiit ni Go.
“’Yung reporma sa pension, magsimula dapat sa bagong pasok na sundalo para alam nila na may pagbabago sa pension bago pa sila magduty. Huwag natin galawin ‘yung inaasahan or natatanggap na pension ng kasalukuyang sundalo,” dagdag nito.
Sa kanyang 2017 budget message, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang patuloy ang pension reform sa harap ng lomolobong pasaning budget kung saan ang total cost ng pensions ng mga retiradong sundalo ay lalampas sa kompensasyon ng mga nasa active service.
Ayon sa Government Service Insurance System (GSIS), baya sa umiiral na scheme, nasa P800 billion ang kakailanganin taon-taon para sa susunod na 20 taon para bayaran ang pension ng military and uniformed personnel (MUP).
Kaugnay nito, binigyang diin ni Go na ang kanyang panukalang batas ay naglalayong maapektuhan lang ang bagong entrants at hindi ang mga nasa active service o ang mga nagretiro na.
“Suportado ko ang reporma na kailangan upang hindi lumobo ang kailangang bayaran pero dapat maisagawa ito sa paraang hindi mababawasan ang inaasahang matatanggap ng kasalukuyang mga sundalo at mga nagretiro na,” dagdag nito.
“Bago pa ako maging Senador, may lumapit na sa amin ni Pangulo na mga Master Sergeant noon upang ipaglaban na hindi maisama sa pension reform ang mga naka-active duty. Kaya ginawan natin ng paraan na huwag maimplementa iyon noon at mapag-aralan ng mabuti,” pagbabahagi ni Go.
Nagpahayag naman si Go ng kanyang pagtutol sa iba pang proposed versions ng MUP pension reform na may probisyong maikokonsiderang detrimental sa kasalukuyang pensioners at sa active duty.
“Hindi ‘yan lulusot sa amin ni Pangulong Duterte kung mababawasan ang kasalukuyang pension ng mga sundalo at mga nagretiro na. Ipinaglaban nga natin noon na madoble ang sahod nila bilang gantimpala sa kanilang serbisyo at pagkilala sa kanilang sakripisyo. Ako mismo ang nag-lobby nun sa mga mambabatas noong nasa ehekutibo pa ako,” paliwanag ng senador.
“Hindi naman pwede na ang reporma natin upang maisaayos ang MUP pension ang siya pang babawi sa benepisyo na ipinaglaban nating matanggap ng ating mga kasundaluhan,” dagdag nito.
