Paolo Contis, nilinaw na hindi sila naghiwalay ni Yen Santos

Nilinaw ng aktor at TV host na si Paolo Contis na hindi sila naghiwalay ng nobyang si Yen Santos matapos ang usap usapan sa social media tungkol sa relasyon ng dalawa.

Napansin kasi ng mga netizens ang hindi pagsipot ni Yen sa screening ng latest movie ni Paolo.

Maliban dito, pinuna rin ng mga netizens ang pagiging tahimik ngayon ng dalawa sa social media.

Ani naman ng aktor , hindi naman nila kailangang ipangalandakan sa social media ang nangyayari sa kanilang personal na buhay.

“Personal na buhay namin ‘yun, personal na lang naming ginagawa. I will never put her… I don’t want to put her in that position anymore,” paliwanag ni Paolo sa press matapos ang premiere night ng kanyang pelikula.

Nang matanong naman ang aktor tungkol sa plano nilang magpakasal ay sinabi nito na kalaunan ay mapupunta rin sila roon ngunit sa ngayon ay marami pa aniya siyang dapat ayusin.

Matatandaan sa isang panayam nitong Enero nang aminin ng aktor ang relasyon niya kay Yen. // AC