Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission kaugnay ng pagtakas sa bansa ni dismissed Bamban mayor Alice Guo.
Ayon kay PAOCC Spokesperson Winston Casio, walang tigil ang pangangalap nila ng impormasyon at leads upang matukoy kung anong paraan ang ginamit ni Guo upang makalusot palabas ng Pilipinas.
Bagaman maaga pa upang isapubliko ang mga detalye ng kanilang imbestigasyon, inamin ni Casio na kinakailangan nilang makapagbigay ng tiyak at konkretong kasagutan sa lalong madaling panahon.
Aniya, mahalaga ito upang hindi maging katawa-tawa ang Pilipinas sa harap ng mga kalapit-bansa nito sa ASEAN.
Samantala, ayon pa kay Casio, sa huling pakikipag-ugnayan ng PAOCC sa kanilang counterpart sa Indonesia, malaki ang posibilidad na nananatili pa rin si Guo sa nasabing bansa.
Nabatid na ayon sa mga awtoridad, nakarating si Guo sa Kuala Lumpur noong Hulyo 18, dumiretso ng Singapore, at kalaunan ay nag tungo sa Batam, Indonesia.
Naniniwala si Casio na mahihirapan nang makabiyahe si Guo at ang kanyang pamilya matapos i-request na kanselahin ang kanilang mga pasaporte.