Tuluyan nang tinabla ni Interior Secretary Benhur Abalos ang ipinapanukala ni Senador Bato dela Rosa na pagde-decriminalize sa paggamit ng iligal na droga.
Sa isang panayam, sinabi ng Kalihim na kung siya ang tatanungin – naniniwala siyang hindi ito magandang ideya para sa bagong anyo ng kampanya laban sa iligal na droga ng kasalukuyang administrasyon.
Sabi ni Abalos, ang pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot ay naguumpisa sa mga maliliit na halaga – kaya naman kung aalisin na ang kulong sa illegal drug use, ay baka maabuso lang ito at ma-adik din ang mga kabataan.
Ikinatatakot din ng Interior Secretary na baka ma-technical ang implementasyon sa panukala.
Giit niya, mas mabuti nang malinaw na may kulong ang lahat ng mga drug personalities, gumagamit man, o nagtutulak.
Sa kabila niyan, muling siniguro ni Abalos na sa ilalim ng ‘revamped’ BIDA program – ta-targetin na ng law enforcement agencies ang mga malalaking isda sa drug trade, at hindi lamang ang mga drug users.
#
