Pirma na lang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kulang para tuluyan ng maaprubahan ang proposed budget na P5.768 trilyon para sa 2024.
Sa bersyong ipapa-apruba kay Pangulong Marcos, tuluyan ng ibinasura ng bicameral conference committee ang naunang hinihinging confidential funds at Intelligence funds ng ilang ahensya na walang kinalaman sa seguridad ng bansa.
Kabilang na dito ang Office of the Vice President at Department of Education na parehong pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Rep. Elizaldy Co na hindi na rin ibinalik ang P300 milyon na confidential fund ng Department of Information and Communication Technology.
Tulad ng unang ipinangako ng mga mambabatas sa security agencies inilipat ang mga tinapyas na pondo mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sa kabuuan mahigit P9 bilyon o dalawang poryento ng panukalang budget ang CIF sa susunod na taon.
Sang-ayon naman ang house contingent sa panukala ni Senator Risa Hontiveros na ipagbawal ang paggamit ng contingent fund para sa CIF.
Kung noong nakaraang taon nakasentro ang budget para sa pagresponde sa pandemya para naman sa 2024 budget nakatuon ang pansin ng gobyerno sa paglaban sa inflation o pagtaas ng mga bilihin at pagprotekta sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
