Inihain na ni Senator Risa Hontiveros ang panukalang naglalayung taasan ang pensyon ng mga senior citizens sa bansa.
Sa kanyang Senate Bill No. 141 o ang “Lingap Para Kay Lolo at Lola Act,” hiniling ni Hontiveros na mataasan ang buwanang pensyon ng mga seniors sa P1,500, para matugunan umano ang kanilang araw-araw na pangangailangan at iba pang medical needs, lalo na sa economic challenges na nararanasan ngayon ng bansa, maging ng buong mundo.
Layunin rin ng naturang panukala, na maamyemdahan ang ilang mga probisyon sa “Expanded Senior Citizens Act” o Republic Act No. 9994.
Ayon kay Hontiveros, na ang pagpapataas sa halaga ng social pension para sa matatanda ay magpapababa sa pension coverage gap, dahil ang mga kalapit na bansa gaya ng Thailand, Brunei, Timor-Leste at Vietnam, ay kasalukuyang nagpapatupad na ng kaparehong tax-financed schemes.
Samantala, batay naman umano sa pag-aaral na isinagawa ng University of the Philippines Population Institute, sinabi ng senadora na mahigit kalahati ng mga senior citizens sa bansa, ay nakatira sa bahay na may mahirap rin na pamumuhay at hirap matustusan ang araw-araw na pangangailangan. Mhel Pacia