SORSOGON CITY – ‘Unanimously approved’ ng 11th Provincial Board ang panukala na humihiling sa National Bureau of Investigation (NBI) na magtatag ng district office sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon sa dalawang otor ng Resolution na sina BM Benito Doma at VG Krunimar Antonio Escudero, ang NBI clearance ay isang mahalagang dokumentong kinakailangan para sa maraming Sorsoganon para sa trabaho, pagproseso ng mga dokumento sa paglalakbay at iba pang mga layunin.
Ang pagkakaroon ng opisina ng NBI sa lalawigan ay mapapabilis ang pagproseso at ang pag-iisyu ng NBI clearance na hindi na dadaan o isusumite sa regional office ang mga dokumentos, sa ganitong paraan magiging epektibo at kapaki-pakinabang ito sa mga Sorsoganon.
Ang paglaganap ng pagbebenta at distribusyon ng mga ipinagbabawal na gamot, iligal na pagsusugal, mga scam na may kaugnayan sa computer at iba pang mga kriminal na kaso ay nakakaalarma na nagdudulot ng malaking problema at alalahanin sa kaligtasan, sa kalusugan at pang-ekonomiya ng mga mamamayan sa Sorsogon.


Nakasaad pa sa Resolution na ang presensya ng NBI district office ay makatutulong na mapadali ang agarang pagtugon para sa anumang kahilingan ng mga imbestigasyon ng mga kriminal na gawain na nangyayari sa lalawigan.
Kapag naisakatuparan, ang provincial government ang magbibigay ng lugar o espasyo ng NBI district office gayundin ang mga kasangkapan sa opisina nito at sasagutin ang suplay ng kuryente at tubig at mga manpower services kung kinakailangan hanggang sa magkaroon ng sariling gusali ang NBI.
Sa kasalukuyan ay may satellite office ang NBI sa lungsod ng Sorsogon na matatagpuan sa loob ng isang mall.