Panibagong scam hub sa Parañaque, sinalakay; Mahigit 400 empleyado, naaresto

Sinalakay ng mga awtoridad ang isang scam hub sa isang palapag ng pribadong gusali sa Parañaque City pasado alas dos kaninang madaling araw.

Ito’y matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa nagaganap na ilegal na aktibidad ng isang kumpanya kabilang na ang cryptocurrency at love scam.

Nanguna sa operasyon ang Regional Intelligence Division-National Capital Region Police Office (RID-NCRPO), katuwang ang Parañaque City Police, Anti Cybercrime Group, at mga kinatawan mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o Pagcor.

Read More:  AFP rejects China Coast Guard claims on Ayungin Shoal incident

Bitbit ang isang search warrant, pinasok ng mga awtoridad ang 9th floor ng Centrium Tower 1 at dito naaktuhan ang mahigit 400 na indibidwal na umano’y empleyado ng ‘scam hub’ na nagsasagawa ng ilegal na transaksyon online mula sa walong silid ng gusali.

Read More:  House Prosecutors hail subpoenas for VP Sara Duterte records

Kabilang sa mga naaresto ay mga Pinoy, Chinese, at Indonesian. Bukod dito, nasakote rin ang isang Chinese na siyang itinuturong boss at tatlo pang foreign national na mga nagsisilbing leader at team manager.

Nadiskubre rin sa scam hub ang mga computer na ginagamit sa pambubudol at mga kwarto kung saan nagaganap ang pakikipag-usap sa mga kliyente.