Inihayag ni Senador Christopher Bong Go na mataas ang kumpiyansa niya sa ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.
Sa isang panayam kasabay ng pagpapasinaya sa ika-120 na Malasakit Center ng bansa sa San Lazaro Hospital sa Maynila, sinabi nitong bagama’t naniniwala siyang maayos ang pagpapatupad ng programa ng pamahalaan kontra COVID-19 hindi naman siya magdadalawang isip na papanagutin ang mga public official na masasangkot sa katiwalian.
Dagdag pa ng senador kung may pagdududa na may kalokohan sa mga proyekto, siya mismo ang papalag at magkakaso sa mga taong pumasok sa kurapsiyon.
Sinabi ni Go na hindi sila papayag ni Pangulong Duterte na may masasayang ni kahit piso sa mga ipinapatupad na programa ng pamahalaan.
Kasabay nito muling nanawagan si Go sa mga indibidwal na pinapayagan nang magpabakuna laban sa COVID-19 na hindi sayangin ang pagkakataon upang makabalik na ang mga ito sa normal na gawain sa lalong madaling panahon kapag makamit na ang herd immunity.
Samantala tiniyak din ni Go na bilang isang Mindanaon hindi umano siya papayag na mahuhuli ang Mindanao na mababahagian ng COVID-19 vaccines dahil tulad ng pangako nila ni Pangulong Duterte ito ay ipamimigay ng patas sa lahat ng lugar.
