Makikita sa viral video na pinaluhod, pinagsasampal ng ilang beses, at saka sinuntok sa kaliwang pisngi ng lalaking nakaputi ang isang estudyante.
Ang mga lalaking kuha sa viral video, mga grade 10 student at pawang menor de edad mula sa isang public school sa Pasig City.
Ang pinag-ugatan umano ng pananakit – isang paratang kung saan pinagbibintangan ang biktima na nagpapakalat ng maseselang conversation nila ng kasintahan ng suspek.
Kwento ng biktima, October 10 nang unang mangyari ang pananakit sa kanya kung saan limang kapwa niya studyante ang nagpunta sa kanya para kausapin pero matapos ang pag-uusap ay bigla na lamang itong pinagsasampal at sinuntok.
Kinabukasan ay inabangan na siya sa labas ng eskwelahan at dito na nangyari ang pagpapaluhod at pananakit.
Labis ang naging trauma ng biktima sa nangyari kaya dalawang araw siyang hindi nakapasok.
Hindi naman matanggap ng ina ng biktima ang sinapit ng kanyang anak sa kamay ng kapwa niya studyante.
Dismayado rin siya sa naging parusa ng eskwelahan sa mga sangkot sa insidente.
Sinubukan ng Brigada News Team na makipag-ugnayan sa eskwelahan pero hindi sila nag-paunlak ng panayam.
Hindi naman payag ang mga magulang ng biktima sa naging hatol ng eskwelahan sa mga nanakit sa kanilang anak kaya hindi sila papayag na hindi makamit ang hustisya kaya gagawa sila ng aksyon sa legal na paraan para mapagbayaran ng mga ito ang ginawa sa kanilang anak.
Pasado alas diyes kahapon ng umaga nang magtungo sila sa headquarters ng pasig city police para pormal na makapaghain ng reklamo.
Nagtungo rin ang Brigada News Team sa Brgy. Kapasigan para makuha ang kabilang panig pero ayon sa barangay humihiling ng privacy ang mga ito.
Samantala, naglabas na ng pahayag ang lokal na pamahalaan ng Pasig at mariin nilang kinukundena ang pangyayari.
Hindi raw nila kinukunsinti ang anumang pambubully.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na sila sa Schools Division Office ng Pasig, na may pangunahing hurisdiksyon upang mag-imbestiga, magresolba, at magbigay ng mga karagdagang interbensyon upang matugunan ang pambubully sa loob at labas ng lugar ng paaralan.