Pamilya Mabasa, handang tanggalin si Bantag sa listahan ng mga respondents, kung…

Bukas ang pamilya ng pinaslang na radio broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa na makipag-usap kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag, kaugnay sa posibilidad na may iba pang nag-utos sa naturang krimen.

Pero ayon kay Atty. Berteni Causing, tagapagsalita ng pamilya Mabasa, na ang anumang discussion kay  Bantag ay mangyayari sa isang “neutral zone” o sa tulong ng isang emisaryo, dahil natatakot umano sila para sa kanilang buhay.

Kaugnay nito, maari din umanong ikonsidera ng pamilya Mabasa na tanggalin si Bantag mula sa listahan ng mga respondents kaugnay sa pagpatay sa broadcaster kung may maituturo itong mastermind.

Dagdag ng abogado, ayaw umano nilang may makulong na inosenteng tao para sa naturang krimen.

Sinabi rin ni Atty. Causing, na ipinaabot sa kanya ni Roy Mabasa, kapati ni Percy na mayroong “third party” na malapit sa pamilya Bantag ang lumapit sa kanya para sa posibleng pag-uusap, pero wala pang ibang detalyeng inilalabas ukol dito.

Una nang inihayag ni Bantag sa panayam sa kanya ng isang televison network, na may drug lord na nakakulong sa loob ng New Bilibid Prison ang nag-utos sa pagpapapatay kay Lapid noong Oct. 3.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *