SORSOGON CITY – Talino at lakas ng loob na abutin ang pangarap ang tanging baon ng 27 anyos na dalaga para dalhin ang lalawigan ng Sorsogon sa isang pambansang patimpalak ng kagandahan.
Maituturing na ngang official delegate sa Miss UniversePH si Carmela Diane B Doma ng Caditaan, Magallanes sa pagkakapasok nito bilang bahagi ng inisyal na 50 kandidata na naghahangad lumakad sa rampa at sa huli’y makoronahan.
Magna cum Laude nang magtapos si Camille sa Sorsogon State University taong 2020 sa kursong Bachelor in Elementary Education, na nagsabing hindi nya plano at sinubukan lang ang kanyang “swerte” kung mapapansin.
Subalit mula pa umano noong una, sumasali na ang dalaga sa mga contest sa provincial at regional levels, dahilan nga para magwagi sya noong 2017 bilang Miss Kasanggayahan.
Noong naglabas umano ang MUPH ng advertisement sinubukan lamang nyang magpadala ng application at pinalad namang nakapasa.
Marami pang pagdadaanang “challenges” si Camille na ibibigay ng nasabing organisasyon para makapasok sa final cut ng 30 kandidata na maglalaban sa finals night.

Sa ngayon ay patuloy syang nagtatrabaho sa lokal na opisina ng Department of Agrarian Reform-Sorsogon bilang Agrarian Reform Program Technologist at Program Beneficiaries Development Division.
Sa ngayon, wala pa umano syang team para tumulong sa kanyang sinusuong na laban.
Aminado ang dalaga sa pressure na dala ng pageant ngunit sambit nyang wala nang mas hihigit pang karangalan para sa kanya kundi irepresinta ang lalawigan sa pambansang paligsahan.