SORSOGON CITY – Inamin na ng makakaliwang grupo na ang insidente ng pamamaril sa isang pulis sa Brgy Sta Teresita sa bayan ng Bulan ay parte ng kanilang inilunsad na ‘sniping operations.’
Sa kanilang Pahayag sa Midya, sinabi ng kanilang tagapagsalita na si Samuel Guerrero na ang ‘operasyon isnayp’ ay ‘’bahagi ng kanilang pagsisikap sa lalawigan na maparusahan ang mga armadong pwersa ng rehimeng US-Duterte na walang humpay na pumapaslang at nanggigipit sa mamamayang Sorsogon.’’
Nakasaad pa sa kalatas na sa mga susunod na araw ay ilulunsad pa nila umano ang ‘’iba pang armadong aksyon,’’ subalit hindi naman nilinaw sa kalatas kung maglulunsad muli ang hukbo ng sunod-sunod na ‘sniping operations’ katulad ng ginawa ng kanilang mga kasamahan noong 2019 sa Central Negros.
Kung babalikan, hapon noong Miyerkules, habang nagbabantay sa isang checkpoint ang miyembro ng 2nd PMFC na si PCpl Aaron Cascabel ay bigla na lamang itong natumba dahil sa tama ng bala sa kaliwang hita nito.
Pinaniniwalaang ang pulis ay biktima ng pamamaril ng isang sniper. Nakaligtas naman ito sa kapahamakan matapos na isugod sa ospital.

