Idineklara na ng Palasyo ang ‘National Mourning’ bilang bahagi ng pakikidalamhati sa pagpanaw ng ika-12 pangulo ng Republika ng Pilipinas na si Fidel V. Ramos.
Sa ilalim ng isang proklamasyon, nagsimula ang mourning period kahapon, at tatagal ng hanggang sa ika-siyam ng Agosto sa susunod na linggo.
Inatasan din ang lahat ng mga tanggapan at gusali ng gobyerno na ilagay sa half-mast ang mga Watawat ng Pilipinas.
Ito ay alinsunod sa Republic Act No. 8491, o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines.
Bago ito, inihain na rin sa Senado ang isang resolusyon na layong bigyang pugay ang mga naiambag ni FVR sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Resolution 72 ni Senate President Migz Zubiri, nilalayong bigyan ng pagkilala si Ramos pati na rin ang pagkakaroon ng ‘profound sympathy’ at ‘sincere condolences’ ang mga naulila ng dating pangulo.
Samantala, nagpa-abot na rin ng pakikiramay si Pangulong Bongbong Marcos.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post, umapela ito sa mga Pilipino na ipagdasal ang namayapang dating pangulo at alalahanin ang mga legasiyang iniwan nito para sa ikabubuti ng bansa.
Sa hiwalay na pahayag, pinsalamatan ni Vice President Sara Duterte ang naging tulong ni FVR para sa kapayapaan sa Mindanao.
Partikular na rito ang paglagda ni Ramos sa peace agreement sa pagitan ng Gobyerno at ng MNLF noong 1996 kung saan ay nawakasan ang higit sa dalawang dekadang rebolusyon sa pangunguna ni Nur Misuari.
Kaugnay nito, naglabas din ng kani-kanilang mga pahayag ang iba pang Kagawaran sa bansa.
Inalala ng Department of Education ang mga naiambag ni FVR para sa sektor ng edukasyon kabilang na na ang paglagda nito sa ilang mga panukala partikular na ang Science and Technology Scholarship Law, Dual Training System Act of 1995, CHED Law, at TESDA Act.
Para naman sa health sector, ibinahagi ng Health Department ang ilang mga mahahalagang batas na naipasa sa ilalim ng administrasyong Ramos kabilang na ang National Blood Services Act of 1994, Act for Salt Iodization Nationwide of 1995, at National Health Insurance Act of 1995.
#