Nananatiling top priority ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang pagpapataas ng covid-19 booster shot turnout sa bansa.
Sa kanyang pagbisita ngayong araw sa isang vaccination site sa Pasig City, tiningnan niya kung nananatili bang maayos ang sitwasyon sa mga vaccination center at kung marami pa ring indibidwal ang nagpapabakuna laban sa covid-19.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin at muling ipinaalala ng Pangulo na mahalaga ang magpaturok ng booster shot para sa karagdagang proteksyon laban sa virus.
Kaugnay nito, hinimok niya ang mga naroroon sa naturang vaccination site na ayain ang kanilang mga pamilya at kaibigan na magpaturok na nag booster shot.
Aniya, hindi na dapat hintayin pang dumami muli ang kaso at maging mahirap na naman ang pagpasok sa trabaho at paglabas ng bahay.
Samantala, sang-ayon naman si Pangulong Marcos sa pahayag ng ilang eksperto na magkaiba ang covid-19 sa monkeypox.
Aniya, hindi nakakatakot ang monkeypox, gayunman, kagaya ng ibang sakit, dapat pa ring panatilihin ang paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng facemask upang hindi mahawa nito.
Kaugnay nito’y, tiniyak ng Pangulo na mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng pamahalaan sa monkeypox virus.(CLAY MARQUEZ)
#