CAMARINES NORTE- Paiigtingin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) ang programa sa mental health.
Sa kaniyang pananalita sa isinagawang Mental Health Program Summit nitong Miyerkules, March 29, inihayag ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na napapanahon nang paigtingin ang programa lalo na ngayon.
Aniya nais ng PHO na maiwasan ang mga problemang may kaugnayan sa mental health upang maging produktibong mamamayan ang mga taga Camarines Norte.
Kaya naman mahalaga umanong maunawaan ng bawat isa ang mental health situation upang mabigyan ng nararapat na aksyon.
Ang mental health ay isa umanong programa ng Department of Health at kasama ito sa package ng Philhealth.
“Sana ito’y magiging advocacy natin na tayo mismo, matuto at maintindihan kung ano po ang mental health po ano, para hindi po tayo makapagdagdag dun sa problema ng bawat pasyente dun sa kanilang mga pamilya kasi mahirap yung may problema na nga yung tao dadagdagn pa natin ano,” ani Francisco.
Naging panauhin sa aktibidad si Provincial Administrator Don Eduardo Padilla at dalawang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Presente rin sa okasyon ni DOH Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola.
Nagkaroon naman ng presentation tungkol sa mental health problem si Dr. Grace De Viana na siyang Mental Health Program Coordinator ng PHO at kung anong mga interventions na kanilang ginagawa.
Noong Pebrero ay hinirang na Best Mental Health Program Implementer ang Camarines Norte PHO sa isinagawang Salud Bicolnon awards ng DOH.
