Nilagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos bilang batas ang pitong panukala, na naglalayong pahusayin at palawakin ang mga kapasidad ng hindi bababa sa 7 higher education institutions o HEIs sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa.
Kabilang dito ang conversion ng San Isidro Satellite campus ng Leyte Normal University (LNU) sa San Isidro, Leyte sa pagiging regular campus, at tatawagin nang “LNU-San Isidro Campus sa bisa ng RA 11968.
Nilagdaan din ng Pangulo ang RA No. 11969, kung saan ginawang regular campus ang Bataan Peninsula State University (BPSU)-Bagac Extension Campus sa Bagac, Bataan at tatawaging “BPSU-Bagac Campus.”
Aprobado na rin nito ang pagtatatag ng Colleges of Medicine kabilang ang Benguet State University-College of Medicine (RA 11970) sa La Trinidad, Benguet, at Southern Luzon State University-College of Medicine (RA 11971) sa Lucban, Quezon.
Gayundin ang University of Eastern Philippines-College of Medicine sa Catarman, Northern Samar at Visayas State University-College of Medicine sa Baybay, Leyte.
Sa ilalim ng mga bagong likhang batas, ang HEI ay maaari na ngayong magpatuloy sa pag-aalok ng Doctor of Medicine Program, kabilang ang isang Integrated Liberal Arts and Medicine Program na makakatulong sa pagpapalakas ng healthcare system ng bansa.
Layunin din ng mga batas na tumugon sa mga pangangailangan ng human resource development ng kani-kanilang probinsya.
Samantala kasama ring nilagdaan ng Punong Ehekutibo ang RA No. 11973, na nagtatag ng Bicol University-College of Veterinary Medicine sa Ligao City, Albay, upang makapag produce ng professional veterinary physicians na maalam sa prevention, diagnosis, treatment, at control of animal diseases, kabilang ang terrestrial and aquatic animals.