CAMARINES NORTE- Patapos na ang School Year 2022- 2023 at nagsasagawa na rin ng mga closing exercises lalo na sa mga pribadong eskwelahan.
Ang mga pampublikong eskwelahan naman ay magsisimula na rin ng bakasyon sa unang linggo ng Hulyo.
Kaugnay nito ay pinangangambahan na naman ang pagtaas ng mga kaso ng rabies lalo’t marami pa rin ngayon ang mga pagala- galang aso na hinahayaan lang ng mga may ari.
Sinasabing tuwing ganitong panahon ay mataas ang kaso ng animal bite at rabies dahil sa init ng panahon.
Pero ayon sa beterinaryong si Dr. Reuben Naperi maling paniniwala ito.
Aniya kaya tumataas ang mga insidente ng animal bite kapag ganitong panahon ay dahil bakasyon at walang pasok sa eskwela ang mga bata kaya naman madalas na ang mga ito ay naglalaro sa labas at puwedeng makagat lalo nn ng mga pagala- galang hayop.
Kaugnay nito ay pinaalalahanan ni Naperi ang mga may ari na pabakunahan kontra rabies ang kanilang mga alagang hayop.
Batay sa Anti Rabies Act of 2007, kinakailangang naka-leash o may tali ang aso kapag inilalabas ito sa kalsada.
Obligado ring ipabakuna ng may-ari ang kaniyang alaga laban sa rabies.
Sa datos naman ng Provincial Health Office, tumaas ang kaso ng animal bite sa lalawigan ng Camarines Norte noong 2022.
Umabot sa 11,614 ang ng kaso ng Animal Bite sa buong probinsya sa unang tatlong buwan na mas mataas sa 9, 941 kumpara noong 2021 at pinakamataas sa nakalipas na tatlong taon.
