LEGAZPI CITY – Nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang rapid health and facility assessment ng Department of Health (DOH) Bicol sa mga evacuation centers sa Albay.
Ayon kay DOH Bicol Regional Director Ernie Vera, ang kanilang pag-iikot sa mga evacuation centers ay upang malaman ang sitwasyon ng mga apektadong pamilya at maging ng mismong pasilidad.
Ito rin ay upang malaman kung ano ang mga kakulangan o dapat pagtuunan ng pansin ng ahensya upang mabigyan ng kaukulang aksyon.
Kasabay nito, nagpapaalala ang kagawaran na manatiling kalmado at sundin ang mga emergency safety tips upang maiwasan ang anuman panganib na dulot ng pagputok ng bulkan.
Siguraduhin din na sarado ang mga bintana at pintuan sa mga bahay kung sakaling magkaroon ng ash fall.
Inaabisuhan din ang publiko na magsuot ng goggles, facemask, at long-sleeves na damit kapag kinakailangang lumabas ng bahay.
Kung makaramdam man ng anumang sintomas ng sakit tulad ng hirap sa paghinga ay agad na komunsulta sa doktor o sa pinakamalapit na pagamutan.
Samantala, namahagi rin ang DOH Bicol ng mga health commodities tulad ng mga gamot, water containers, mga higaan, at facemasks.