Tumaas ang farmgate price ng palay na nagdulot ng dagdag na P2 sa presyo ng bigas, ayon sa Grain Retailers Confederation of the Philippines (GRECON).
Ang naturang pagsipa sa presyo ay ramdam na ngayon sa Visayas matapos na mula sa P17 na kada kilo ng fresh palay at tumuntong na ito sa P19 habang ang dry palay naman ay nasa pagitan ng P24 at P25.
Ayon kay GRECON, National President James Magbanua nitong nakalipas na linggo pa tumaas ang farmgate price ng palay kung kaya agad rin naapektuhan ang presyuhan ng bigas sa mga retailers.
Nilinaw naman ni Magbanua na mayroon pa ring mga P40 na kada kilo ng bigas sa mga pamilihan bagaman iilan na lamang.
Iginiit naman ng opisyal ng GRECON na tutol sila sa panawagan ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa pangunguna ni chairman Rosendo So na ibalik ang price ceiling sa bigas na hindi aniya maganda sa Ekonomiya ng bansa.