CAMARINES NORTE- Ipinagbabawal na ang pagsususpinde sa mga elective local officials pagsapit ng Enero 2022.
Batay sa calendar of activities ng Commission on Elections mula January 9 hanggang June 8, 2022 ay ipinagbabawal ang pagpapasuspinde sa mga local elective officials.
Dito sa lalawigan ng Camarines Norte ay may ilang lokal na opisyal na pinatawan ng suspensyon bago pa man sumapit ang buwan Enero.
Kaya naman mayroong mga naniniwala na pagsapit ng Enero ay babalik sa posisyon ang mga nasuspindeng opisyal.
Ang bagay na ito ay hindi pa nabibigyang linaw sa ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung ano ang kahihinatnan ng mga nasuspindeng opisyal.
Ayon kay DILG Provincial Director Ray Caceres alinsunod umano sa section 261 ng Omnibus Election Code bawal naman talaga ang pagsususpinde sa elective local officials sa panahon ng election period.
Ang hindi malinaw ay kung makakabalik ba ang mga ito sa Enero kahit pinatawan ng suspensyon bago pa ang petsa kung kailan ipinagbabawal ang pagsususpinde.
Matatandaan na ilang opisyal sa lalawigan ng Camarines Norte ang suspendido ngayon.
Si Labo Mayor Joseph Ascutia na kakabalik lang noong nakaraang Linggo sa opisina matapos pagsilbihan ang 6 na buwang suspensyon ay muling pinatawan ng 60 preventive suspension ng Sangguniang Panlalawigan.
Pinatawan din ng 60 day preventive suspension ang Bise Alkalde at Acting Mayor na si Alvin Bardon.
Habang kinatigan naman ng hukuman ang hiling na preliminary injunction ni Vice Mayor Juan Enero at pito pang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Capalonga kaya nananatili sila ngayon sa pwesto.
