Natapos na ng COMELEC ang pagsusuri sa fingerprint at handwriting ni suspended Bamban Mayor Alice Guo.
Sinabi ni COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco sa Bagong Pilipinas program na inaasahang isusumite ang resulta sa kanilang law department.
Ang law department naman ang bubuo ng fact-finding committee upang alamin kung may nalabag na batas pang-eleksyon base sa ebidensya.
Kung mayroon, inaasahang magsusumite ng rekomendasyon ang law department sa Commission en banc ngayong linggo at titingnan ng en banc kung sapat ang mga nakalap na dahilan at ebidensya.
Kapag sapat ang ebidensya, mag-uutos ang commission en banc ng pagsasampa ng motu propio complaint for material misrepresentations.
Saka pa lang uusad sa preliminary investigation, kung saan bibigyan ng pagkakataon ang respondent na sumagot at maghain ng counter affidavit at ebidensya bilang bahagi ng due process.
Kung may probable cause, isasampa na ang kaso sa regional trial court.
Ayon kay Laudiangco, ang election offense ay may parusang pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon, pagkakatanggal ng karapatang bumoto, at permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon.