Mas maraming trabaho at business opportunities ang nakikita ni House Speaker Martin Romualdez para sa Pilipinas kasunod ng panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos na palakasin ang digital connectivity at digitalization na nagsisilbing key drivers ng paglago ng ekonomiya sa ASEAN region.
Sa plenary session ng 44th ASEAN Summit sa Laos, binigyang-diin ni Marcos ang transformative potential ng digitalization na maghahatid ng connectivity sa ASEAN at magtataguyod sa innovation, oportunidad at kaunlaran.
Sinabi ni Romualdez na ang partisipasyon ng pangulo sa ASEAN Summit at ang adbokasiya nito sa digital transformation ay direktang mapakikinabangan ng mga karaniwang Pilipino.
Hindi lamang aniya ito tungkol sa diplomasya at high-level discussions dahil ang pagsusulong sa digital connectivity sa ASEAN ay nangangahulugan ng tunay at abot-kamay na benepisyo.
Punto ng Speaker, sa pamamagitan ng innovation at lumalawak na access sa digital markets ay nabubuksan ang oportunidad para sa local businesses lalo na ang micro, small and medium enterprises o MSMEs at lumilikha ng bagong trabaho para sa mga manggagawa.
Dagdag pa ni Romualdez, ang adhikain ni Marcos na maging digitally connected ang ASEAN ay nakahanay sa mga pagsisikap ng pamahalaan para sa bansa.
Kaya naman ang pagpapalakas sa digital connectivity sa rehiyon ay magpapausbong umano sa mga negosyo at entrepreneurs sa Pilipinas.