Binabantayan na ngayon ng gobyerno ng Pilinas ang sitwasyon sa Florida na dadaanan ng monster hurricane na si Milton na idineklarang may lakas na Category 5.
Ang Milton ay itinuturing na isa sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng Estados Unidos.
Ayon sa DFA, wala pang naitatalang Pinoy na apektado sa Florida maging sa North Carolina.
Sa kabila nito tuloy ang pakikipag-ugnayan ng DFA sa Embahada ng Pilipinas sa Washington DC na mahigpit na nakatutok sa sitwasyon upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng ating mga kababayan.
May contingency plan na ring nakalatag para tulungan ang mga Pinoy sa Florida.
Batay umano sa pagtaya ng mga eksperto, maaaring lumikha ng daluyong si Milton na aabot sa 15 talampakan na kayang magpalubog sa mga bahay.
Tinatayang mayroong 26,000 Pinoy sa Tampa, Florida.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang pagpapalikas sa mga taga-Florida kabilang na ang ilang Pinoy na nananatili pa rin sa kanilang mga bahay dahil sa banta ng malakas na bagyo.