CAMARINES NORTE- Naranasan na nitong Martes ng hapon, March 21 ang manipis na suplay ng kuryente kahit hindi pa opisyal na nagsisimula ang panahon ng tag- init.
Kasunod yan ng nangyaring emergency power service interruption =sa maraming lugar sa Camarines Norte partikular sa mga bayan ng Mercedes, Basud, San Lorenzo Ruiz, Daet, San Vicente, Talisay, Vinzons, Labo, Sta Elena at Capalonga.
Nawalan din ng kuryente ang ilang barangay ng Paracale at Jose Panganiban.
Batay sa advisory ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang nangyaring emergency power service interruption ay dahil sa pagnipis ng suplay ng kuryente mula sa Luzon Power Grid na nagdulot ng Automatic Load Dropping (ALD).
Ang ALD ay ang proseso ng awtomatiko at sadyang pag-aalis ng mga pre-selected load mula sa isang power system bilang tugon sa isang abnormal na kondisyon upang mapanatili ang integridad ng buong sistema.
Biglaan ang pag-alis ng suplay ng kuryente sa isa o ilang probinsya dahil sa pagbaba at hindi sapat na suplay sa Power Grid.
Wala itong paunang abiso mula sa NGCP dahil ito ay biglaan at hindi inaasahan.
Pinangangambahan na kapag sumapit na ang kasagsagan ng tag- init o dry season sa mga susunod na araw ay mas malaking problema ang idudulot nito.
Noong isang taon tinatayang mahigit kumulang sampung ALD ang naranasan sa lalawigan simula Abril hanggang bermonths.
Ngayong linggo hanggang sa mga huling araw ng Marso ay magsimula na ang tinatawag natin na warm, dry season o tag-init sa Pilipinas.
