NAGA CITY- Hangin ang isa sa mga nagbibigay ng buhay hindi lang sa mga tao maging sa mga halaman at hayop kung kaya’t mahalagang namomonitor ang kalidad nito sa isang lugar.
Sa Naga City, mahigpit ang implementasyon ng mga ordinansa para sa pagpapanatili ng malinis na hangin kahit na walang naitala ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na nagbalga sa mga ito noong nakaraang taon. Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Engr. Dan Cea, Admin Officer ng CENRO, sinabi nito na isa sa mga ipinagbabawal ng LGU ang pagsusunog ng mga plastic, goma maging ng mga tuyong dahon.
Aniya, maliban sa mga sasakyan na siyang pangunahing sanhi ng polusyon, ang pagsusunog ng mga nabanggit na bagay ay nakakadagdag din sa pagkakaroon ng maruming hangin. Napag-alaman na ang sinumang mahuhuli sa akto na nagsusunog ng anumang bagay ay binibigyan ng karampatang penalidad na P300.00 bilang 1st offense.
Ang naturang usapin ay kaugnay pa rin sa ipinalabas na pahayag ng Department of Environment and Natural Resources kung saan pag-aaralan ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ang kalidad ng hangin sa Pilipinas.