CAMARINES NORTE- Hinikayat ng Provincial Health Office ang mga komunidad lalo na ang mga lugar na mataas ang kaso ng dengue na paigtingin pa ang paglilinis sa paligid sa gitna ng patuloy na naitatalang pagtaas ng mga kaso nito.
Sa pakikipag ugnayan ng Brigada News FM Daet kay Benjamin Palma, mosquito- borne diseases program coordinator ng probinsiya, iminungkahi nito sa mga barangay na i- mobilize ang mga benepisyaryo ng DOLE- Tupad program.
Aniya, makakatulong ito para mas mapalawak ang paglilinis at pagsira sa mga lugar na pinamumugaran ng lamok lalo na ang mga baradong kanal.
Makabubuti umano kung pangungunahan ng Barangay ang pagsasagawa ng clean- up drive at turuan ang mga tao sa mga dapat gawin upang maiwasan ang pagkakasakit ng dengue.
Batay sa datos ng PHO umaabot na sa 196 ang mga naitatalang kaso ng dengue sa lalawigan na mas mataas kumpara noong nakaraang taon.
Noong 2021 nakapagtala ang lalawigan ng nasa 156 na kaso para sa buong taon.
Mas mababa naman ito kumpara sa 363 kaso na naitala noong 2020.
