CAMARINES NORTE- Nananatiling mapanganib ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat lalo na ang mga maliliit na bangka dahil sa gale warning na patuloy na nakabandera sa lalawigan ng Camarines Norte.
Batay sa Sea Travel advisory ng Camarines Norte Coast Guard Station strong to gale force winds pa rin ang asahan sa mga karagatang sakop ng lalawigan dahil sa muling paglakas ng Northeast Monsoon.
Asahan umano ang maalon hanggang sa napakaalong kundisyon ng karagatan na may taas ng alon na tinatayang nasa 2. 8 hanggang 4. 5 meters.
Sa ilalim ng isang Memorandum Circular patungkol sa movement ng mga sasakyang pandagat inaabisuhan ang mga bangkang nasa 250 gross tons pababa na huwag na munang pumalaot kapag ganitong panahon.
Mababatid na bago pa man ang pagsalubong sa Bagong Taon ay hindi na nakakapalaot ang mga mangingisda dahil sa hindi paborableng kundisyon ng karagatan.
Dahil dito bukod sa mahal na presyo ay wala ring gaanong suplay ng isda nitong mga nagdaang araw.
