SORSOGON CITY–Bagamat bahagyang kumalma ang mga pagyanig na naitala sa Bulkang Bulusan sa nakalipas na magdamag ay hindi nangangahulugan na tahimik na ito.
Sa paliwanag ni Phivolcs Director at DOST Usec Renato Solidum sa panayam ng Brigada News FM Sorsogon, posible pa ring sumabog ang bulkan base sa kasalukuyang sitwasyon kung saan nagkakaroon ng pagkulo ng tubig sa ilalim.
Posible anyang nag-iipon lamang ito ng pressure kaya minsan ay kumakalma ang mga pagyanig na naitatala at nagpapahinga rin sa pagbuga ng abo.
“Ang nangyayari po dyan kapag nagkakaroon ng pressure yung steam o usok na naiipon sa ilalim, nagkakaroon ng pagsabog tapos titigil. Kinakailangang mag ipon uli ng pressure kaya off and on ang mga eruption dyan, yung mga pagitan ng mga araw o linggo“, ani Solidum.
Magugunita na unang sumabog ang bulkan noong June 5 at nasundan noong June 12 kung saan nagkaroon ng isang linggong pagitan.
Sa pinakahuling bulletin ng Phivolcs, umabot lamang sa sampo ang volcanic earthquake na naitala sa nakalipas na magdamag, mas mababa sa mahigit 100 na naitala bago ang muli nitong pagbuga ng abo noong Linggo.
Nananatili naman ang malakas na pagsingaw ng bulkan kung saan nasukat sa 4,627 tons per day ang Sulfur Dioxide (SO2) emission nito.###
