SORSOGON CITY – Umaasa ang gobernador ng Sorsogon na si Francis ‘Chiz’ Escudero na hindi na mauulit pa sa mga susunod na uupong opisyal ng lalawigan ang paglulustay ng pondo para lamang sa mga training at seminars.
Una rito, nadiskubre na nauwi lang pala sa mga nasabing aktibidad ang pondo ng ibang departamento ng Kapitolyo.
Sa pahayag sa midya ng gobernador, sinabi nito na nakakalungkot at nakakapanghinayang na ganito ang nangyari sa panunungkulan ng nakalipas na administrasyon na nalimas ang kaban at walang natira sa pondo, subalit hindi man lang napakinabangan ng mga mamamayan.
Ayon pa sa gobernador, ito ang dapat agapan ng mga susunod na opisyal ng LGU na dapat nakararating sa tao ang pondong nararapat at hindi nasasayang sa mga pa-seminar at trainings, na tila ginagawa na lamang umanong gatasan ang pondo ng taumbayan.
