Mismong ang World Health Organization na ang nagsabi na hindi sila sigurado kung nakatutulong ba ang face shields para pigilan ang pagkalat ng COVID-19 delta variants.
Ayon kay WHO country representative, Dr. Rabindra Abeyasinghe, wala pa silang matibay na impormasyon kung nagagawa ba ng face shield na idelay ang paglaganap ng virus.
Nilinaw naman ni Abeyasinghe na kapag ginamit nang maayos, maari pa ring magbigay ng dagdag proteksiyon ang face shield lalo na sa mga taong hindi isinusuot nang tama ang kanilang mga face masks.
Kinumpirma ng WHO na kabilang ang Pilipinas sa mga iilan na lamang na mga bansa sa mundo ang nagpapagamit pa rin ng face shield sa mga pampublikong lugar.
Una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi pa napapanahon na tanggalin ang pagsusuot ng face shield sa health and safety protocols ng pamahalaan dahil mababa pa ang COVID-19 vaccine coverage sa Pilipinas.
