Dumepensa ang Department of Justice sa inilabas na bagong departure guidelines ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) simula sa Setyembre para sa mga pasaherong bibiyahe sa ibang bansa.
Sa pagdinig ng House Appropriations Committee ukol sa 2024 proposed budget ng DOJ na nagkakahalaga ng 34.486 billion pesos, kinuwestyon ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino ang masyadong mahigpit at magastos na panuntunan ng Immigration.

Marami na aniyang reklamong nakarating sa kanila hinggil sa offloading ng mga pasahero na walang basehan.
Giit ni Magsino, tila magkakaroon umano ng banta ng katiwalian dahil ituturing na palusot ng immigration officers ang guidelines.
Bukod pa umano rito ang pahirapang pagkuha ng authentication mula sa consular offices at iba pang dokumentong kailangan ng magsisilbing sponsor.
Sagot naman ni IACAT Undersecretary Nicholas Felix Ty, sinimplehan na ng technical working group ang requirements para sa ilang sitwasyon tulad ng Pilipino o Pilipina na may foreign spouses.
Ipinaliwanag ni Ty na mahalaga ang inilatag na panuntunan lalo na para sa mga sponsor na malalayong kamag-anak ng bibiyaheng pasahero ngunit kakausapin ng IACAT ang mga tanggapan sa ibang bansa na pabilisin ang proseso sa dokumento.