Natapos na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang siphoning operations o paghigop ng langis sa lumubog na MTKR Terra Nova sa Limay, Bataan.
Kasunod ito ng pinaka huling inspeksyon na isinagawa kahapon sa ground zero kung saan lumubog ang barko na pinangunahan ng Marine Environmental Protection Command.
Umabot sa kabuuang 1,415,954 na litro ng langis at 17,725 na kilo ng solid oily waste ang nakolekta ng kinontratang salvor na Harbor Star.
Ayon sa Harbor Star, ang natitirang 55,512 na litro ng langis ay nawala dahil sa iba’t ibang kadahilanan gaya ng biodegradation, dissipation, pagsipsip ng mga sorbent booms, at unpumpable sludge na naiwan sa mga tanke.
Isinagawa na din ng Harbor Star ang final stripping operation upang masigurong wala nang laman ang mga cargo oil tanks.
Sa ngayon ay pinaghahandaan na ng PCG ang salvaging operations sa barko.