Paghahatid sa huling hantungan idinaan sa sayawan

Nag trending sa social media ang video na kuha ng may-ari ng isang funeral service matapos na mauwi sa sayawan ang sana’y malungkot na paghahatid sa huling hantungan sa isang yumao sa Pampanga.

Sa halip kasi na mag-iyakan at magluksa ang mga nakikipaglibing ay sumayaw ang mga ito sa saliw ng mga usong-usong Tiktok music. Makikita sa video na pati ang mga nagbubuhat ng kabaong ay nakiki Tiktok din.

Sa pahayag ng may-ari ng punerarya na si Mary Paras, nag-iiyakan ang mga nakikipaglibing habang nasa simbahan pero nang lumabas na ito patungong sementeryo ay nagsayawan na ang mga ito.

Ayon sa mga kaanak ng yumaong si Jhon Rudolf Pacia o kilala sa tawag na ‘Dyosa’ ng Barangay Bebe Anac, Masantol, Pampanga, ito ang huling hiling nito noong buhay pa dahil mahilig din ito mag Tiktok.

Ito umano ay isang masayang paraan ng pag-alala kay Dyosa at paghahatid rito sa huling hantungan na napakamasayahin noong ito’y nabubuhay pa. || Shiela Madrigalejos