Hustisya para sa mga biktima ng EJKs.
Ito ang sigaw ng ilang mga grupong nagsagawa ng kilos protesta kasabay ng paggunita ng International Human Rights Day ngayong araw.
Dala-dala ang mga placard at effigy, ipinanawagan ng iba’t ibang mga progresibong grupo na mabigyan na ng linaw ang pagkamatay ng libu-libong mga ‘di umano’y biktima ng mga state-sanctioned killings.
Nagmartsa ang ilang mga grupo papunta sa Liwasang Bonifacio sa Maynila kabilang na ang Bayan Muna, grupo ng mga mangingisda na PAMALAKAYA, at Kalikasan People’s Network for the Environment (PNE).
Umapela rin ang mga grupo na bigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng NDF consultant na si Ericson Acosta; habang para naman sa Pamalakaya ay ipinanawagan nila ang kalayaan ng na-arestong lider ng mga mangingisda na si Elwin Mangampo sa Bicol.
Nanindigan naman ang grupong PNE na dapat ay pahalagahan din ang kaparatan sa kalikasan.
Sigaw nila – ihinto na ang pambobomba sa kalikasan at pangalagaan ang kapaligiran.
Pinaaaksyunan din ng mga grupo ang patuloy na pagsirit ng presyo ng mga bilihin, mababang pasahod, at ang kanilang pagtutol sa ipinapanukalang Maharlika Investment Fund.//SMM (BAYAN MUNA PHOTO)
